Licensure Examination for Teachers (LET)/ Professional Teachers Board Examination Review Notes 3

Share:

Ang retorika ay isang mahalagang karunungan ng pagpapahayag na tumutukoy sa sining ng maganda at kaakit-akit na pagsasalita at pagsulat.  Ito’y tumutukoy sa mga batas ng malinaw, mabisa, maganda at kaakit-akit na pagpapahayag (Sebstian, 1967).
          Idignagdag ni Rubin (1987), na hindi sapat ang kawastuang pambalarila lamang upang maging mabisa at makatawag ng pansin at kawilihan ang ano mang uri ng pagpapahayag.  Kailangang ito ay masamahan pa ng isang sangkap na siyang magbibigay buhay at kulay.



Tatlong mahalgang kailangan sa pagbuo ng mabisang pangungusap:
  1. kaisahan – kung ang bawat bahagi ay tumutulong sa isang pangunahin at natatanging diwa
  2. kakipilan – kung ang pagkakasunud-sunod ng mga bahagi ng papapahayag ay nagpapalinaw sa kanilang pagkakaugnay

Ang madalas na kawalan ng kaipilan sa isang pahayag ay bunga ng:
    1. Maling gamit ng mga panuring – hindi dapat isunod sa panganalan/panghalip at pandiwang hindi siyang tiyakang tinutukoy o tinuturingan.

 Hal:  Ang mga sasakyan ay bumubuga ng makakapal na usok na nakapagdaragdag ng problema sa polusyon na matindi.
 
Tama: Ang mga sasakyan ay bumubuga ng makakapal na usok na nakapagdaragdag ng matinding problema sa polusyon.

Paliwanag:  Makikita na ang salitang matindi ay nagbibigay-turing sa pangngalang problema at hindi sa polusyon.

       3.  Pagbibigay-diin – karaniwan sa isang pahayag ang mga kaisipang binibigyang-diin ay nasa dakong unahan samatalang ang mga hindi gaanong mahalaga ay sa dakong gitna o sa hulihan ng pahayag.

Mga Uri ng Talata:
  1. Paglalahad
  2. Paglalarawan
  3. Pagsasalaysay
  4. Pangangatwiran

Iba’t ibang Pamamaraan ng Pagtatalata
  1. Pagsusuri – naglalayong magpaliwanag hindi lamang ng mga bahagi ng kabuuan ng isang bagay kungdi pati na rin ang kaugnayan ng mga bahaging ito sa isa’ isa.
  2. Pagtutulad – ang mga bagay na magkatulad ay pinaghahambing upang mapalitaw ang kanilang mga tiyak na katangian
  3. Analohiya – layunin ay ang paghahambing sa dalawang magkaibnga kaisipang hindi lamang dahil sa mga katangiang magkakatulad kungdi dahil sa sagisag at kahulugan ng mga bagay na pinahahambing.
  4. Pagpapahindi – ang negatibong pagpapaliwanag ng kahulugan ng isang bagay.  Parang alegorya ang dating – iba ang sinasabi sa ibig sabihin.

Ang Sawikain o Idyomatikong Pahayag
   - isang uri ng pagpapahayag na ang kahulugang ibinibigay ay di-tuwiran o di-nauukol sa kahulugan ng bawat salita sa pahayag.  Ang kahulugan makukuha ay nasa ibabaw o nasa pagitan ng mga salitang ginagamit.  Hindi dapat kunin ang literal na kahulugan ng bawat salita kundi ang pangkalahatang ipinahihiwatig ng kabuuan.
Halimbawa:
  1. nanunungkit ng mga bituin – walang pag-asa o bigo
  2. gagapang na parang ahas – magkahirap-hirap ang buhay
  3. guhit ng palad – kapalaran
  4. may tali ang bibig – walang kalayaang magsalita
  5. may gatas pa sa labi – bata pa
  6. haling ang bituka – hindi natatakot mamatay
  7. nagmumurang kamatis – matandang nagpapabata
  8. di-maliparang uwak – napakalawak
  9. nahuhulog ang katawan – namamayat
  10. naglulubid ng buhangin – nagsisinungaling
  11. dillang-anghel – magkatotoo sana
  12. balat-sibuyas – maramdamin
  13. mhaba ang pisi – pasensyoso
  14. malambot ang ilong – madaling lokohin o pasunurin
  15. nagsauliang-kandila - nagkagalit

Tayutay o Patalinghagang Pagpapahayag
Ang tayutay ay isang pampanitikang paraan ng pagpapahayag na ginagamitan ng mga salitang labas sa patitik o tahas na kahulugan upang magmunyi ng isang pamamaraang tuwas sa karaniwang anyo ng paglalahad upang makapagbunga ng isang tanging bisa.

          Anupa’t ang tayutay ay isang anyo ng paglalarawandiwa na kaiba at malayo sa karaniwang paraan ng pananalita at naglalayong magawang marikit, maharaya at makasining ang pagpapahayag upang maging akma, mabisa , at kawili-wili ang pag-unawa at pagdama ng sinuman sa buod o damdaming ipinahihiwatig.

          Ayon kay Tumangan (1997) ang tayutay ay ang sinadyang paglayo sa karaniwang paraan ng paggamit ng mga salita sa layuning gawing makulay, kaakit-akit at lalong mabisa ang pahayag.   Sapagkat ang magandang pagpapahayag ay siyang pangunahing layunin ng retorika, karaniwang iniuugnay dito ang paggamit ng mga tayutay.

Katangian ng Tayutay      

            Ang mabuting tayutay ay nagtataglay ng apat ng katangian.

1.     MAIGSI – kung masasabi ang tayutay sa iisang salita ang lalong mabuti
          Hal.   Nagbatis ang kanyang luha.

  1. SARIWA / NAPAPANAHON – bago sa pananaw at panlasa, katutubo sa diwang                            
                            taglay; hindi nakasusuyang  pakinggan at hindi pilit sa pagpapahayag     
           Hal.  Isa kang celfon sa buhay ko kahit saan maaaring hingan ng tulong.           

3.  TAPAT – tapat sa kaisipang sanhi ng pagtatayutay at may malinaw na          
      kaugnayan sa ibig sabihin sa kabila ng pagsusuri

  1.  BAGAY – mahalagang katangian sa lahat, katumpakan, kaagpangan, kaisahan
                      sa bisa, himig at indayog ng pakahulugan
            Hal.   Pagkaraan ng bagyo, ang mga lansangan ay parang nilampaso ng
                      Diyos.           

Gamit ng Tayutay
A.     nakapagpaparagdag ng kahalagahan sa ipinahahayag
B.     nagbibigay –kulay at ganda sa pananalita
C.     nagpapakilala sa kakayahan ng nagsasalita o sumusulat sa pagpapahayag




Uri ng Tayutay

1.  Pagtutulad o Simili   (Simile) – naghahambing ng dalawang magkaibang bagay, tao, pangyayari at iba pa. Gumagamit ng mga salitang: tulad ng, para ng, kawangis ng, kagaya ng at iba pa.
          Hal:  Parang bato ang puso mo hindi marunong makiramdam.
2.  Pagwawangis o Metapora  (Metaphor) – naghahambing din ngunit ito’y tiyakang paghahambing at hindi gumagamit ng mga salitang, tulad, gaya, kawangis, para ng at iba pa.
          Hal:   Bato ang puso mo hindi marunong makiramdam.
3.  Pagbibigay – katauhan  o padiwantao (Personification) – pahayag na nagsasalin ng talino, gawi at katangian ng tao sa mga karaniwang bagay o mga bagay.  Naipakilala ito sa pamamagitan ng paggamit ng pandiwa at pangngalan.
          Hal:  Nakagigiliw tingnan ang mga along humahalik sa pisngi ng mga buhangin.
4.  Pagtawag o panawag  (Apostrophe) – ang karaniwang bagay ay kinakausap na parang tao o kinakausap ang isang tao na parang naroroon at kaharap gayong wala naman.
          Hal:  Kaunlaran, nahan ka at ang bansa namin ay balikan.
5.  Pagmamalabis o Iperbole (Hyperbole or Exaggeration) – lubhang pinalalabis o pinakukulang ang kalagayan o katayuan ng tao, bagay o pangyayari.
          Hal:  Ang wagas na pag-ibig ay susuungin ang lahat pati ang kamatayan.
6.  Pagtatanong  / Tanong Retorikal  (Rhetorical Question) - Ang pagpapahayag na ito ay ginagamit upang tanggapin o di tanggapin ang isang bagay.   Higit na mabisa at makapangyarihan ang paraang ito kaysa karaniwang pagpapahayag.
          Ang pagtatanong na ito na hindi naghihintay ng sagot at hindi rin nagpapahayag ng anumang pag-aalinlangan.   Ipinalalagay na ang ibig sabihin ay tiyak na tiyak at walang magagawa ang nakikinig o bumabasa kundi umayon.   Ito ay naglalayong magbunga ng isang bisa at hindi upang magtamo ng kasagutan.
Hal.   May dalawang tao bang magkasabay sa naglalakad hangga’t di sila nagkasundo?

7.  Pagdaramdam o Pandamdam   (Exclamation) - Ito ay nagsasaad ng di-pangkaraniwang damdamin.
          Hal:   Labis-labis na ang paghihirap na aking nadarama!

8.  Pagtanggi   (Litotes) - Karaniwang gumagamit ang pagpapahayag na ito ng pangging hindi upang magpahiwatig ng lalong makahulugang pagsang-ayon.
Hal.     a.   Hindi pabaya ang ina na ipapariwara ang mga sariling anak.
                     b.  Hindi bulag sa katotohanan ang taong-bayan na hahayaang mapasakamay
               ng mapanlinlang na lider ang kinabukasan ng hinaharap.

9.  Pag-uyam   (Sarcasm) - Ang pagpapahayag na ito ay nangungutya ngunit ginagamitan ng pananalita na tila kapuri-puri.
Hal.   a.   Salamat sa iyo.   Ang  laki mong tulong sa akin kaya, hanggang ngayon
               nakaupo ka pa rin diyan.   

10.  Balintunay   (Irony)
11.  Pagpapalit-tawag o Metonomiya  (Metonymy) - Ang panlaping meto ay nangangahulugan ng paghahalili at pagpapalit. Sa pahayag na ito, nagpapalit ng katawagan o ngalan sa bagay o taong tinutukoy.   Ito ay pagpapalit ng dalawang bagay o kaisipan yamang sila’y may ugnayan gaya ng sanhi at  bunga, sagisag at sinasagisag, sisidlan at nakasilid, at lunan at naninirahan.
Hal.   a.   Sa langit lang ako nakatingala sapagkat ang buhay ay galing sa langit.
                                                                                                                      (Diyos)
                  b.   Halos isang palanggana ang nakain ng babaing nakasabay ko sa mesa.                                   (Isang punong pagkain na nasa palanggana)

12.  Pagpapalit- saklaw o Sinekdoke (Synecdoche) - Ang pagpapahayag na ito ay naisasagawa sa pamamamagitan ng pagbanggit sa bahagi bilang pagtukoy sa kabuuan o ang pagbanggit sa nag-iisang taong kumakatawan sa isang pangkat.
Hal.   a.   Siya ang haliging huwaran ng bawat tahanan.
                   b.  Mahirap magpakain sa sampung bunganga lalo na’t  walang trabaho.

13.  Pagpapalit-wika / Pauring -tao  (Transferred Epithet) - Sa pahayag na ito, inililipat sa mga bagay ang ilang namumukod na pang-uring gamit lamang sa tao.

Hal.   a.   Hindi ko matatanggap ang mapanlinlang mong damdamin na halos unti-
               unting pumapatay sa aking pagkatao.
           
 
          b.   Uhaw ang Tigang na Lupa  (Isang maikling kuwento)

14.  Pamansag  o Taguri (Antonomasia)  - Ang pagpapahayag na ito ay pagpapakilala ng isang tao sa pamamagitan ng isang pamansag o taguri (hindi ng kanyang pangalan)  at pagtukoy sa pamamagitan niyon ng isang uri ng kaparang mga tao.
Hal.   a.    Sinong Tasyo na naman ang sisibol sa bagong henerasyon?   
                   b.   Magdalena, ikaw ay sawimpalad.   Kailan ka nila maiintindihan?

15.  Pahalintulad   (Analogy) - Ito ay isang tambalang paghahambing na ngangahulugan ng pagkakawangki ng mga pagkakaugnay.   Balangkas:   Ang ugnayang AB ay tulad ng ugnayang CD.   Kagaya rin ng Analogy sa Ingles, ang pahalintulad ay ginagamitan din ng karaniwang panulad ng mga salitang gamit sa patulad.
Hal.   “At siya’y namangha sa kanyang namalas,
          naganap na tagpo’ mistulang pangarap;
                   saanman tumitig,
              A                                       B          
siya;t tanging siya ang paparoong-gubat  -
                                    C                D
mandi’y isang tinik sa lipon ng rosas.”
                                                                                    sa tulang “HIMALA” ni Dominador B. Silos
                                                                                     
16.   Pahambing   (Comparison) - Ang pagpapahayag na ito ay isang anyong naghahambing ng isang  tao o bagay sa iba, o nagpapalagay na ang dalawa’y magkawangis hinggil sa isang katangian o kauring angkin kapwa ng mga tao.   Balangkas:   Si A ay … ni B.   SaFilipino, ang pagiging tayutay ng paghambing ay higit na malinaw kaysa pagiging figure of speech ng comparison sa Ingles.   Ang dahilan ay sapagkat ang paghahambing sa tayutay na ito’y karaniwang gamitin natin ng mga tanging talapik sa sim-, sing-, kasin, kasing-, magkasim-, magkasin-, magkasing-, magsim-, magsin-, magsing-, at mga pangrami ng mga tao, gayundin ng ga at pangrami nitong gaga o nangga, bilang mga unlapi sa hambingan ng magkatulad o magkakatulad.   Anupa’t ang ating pahambing ay malayung-malayo maipagkamali  sa patulad o simile sa balangkas o kayarian.
                                  
 


Hal.   “Mabangong bulaklak!… Simbango ng di pa nahahagkang pisngi ng isang
           dalaga!…
       
 “Maputing bulaklak!…   Simputi ng puring ala-alaga pa ng napakahinhi’t mutyang  dalagita!…”  
                                                          sa tulang SAMPAGITA
                                                          ni Pedro Gatmaitan

17.  Patambis o Oxymoron (Antithesis) - Ito ay ang pagtatabi ng mga salitang nagkakahidwaan sa kahulugan upang lalong mapatingkad ang bisa ng salita.
Hal.   a.   Ang EDSA part II ay masasabing tagumpay dahill ang namayani ay
            
               kapayapaan at hindi karahasan. 

18.  Patalinhaga   (Allegory) - Ito ang nalalambungang paglalahad, lalo na sa isang kuwento o salaysay ng isang kahulugang pawangis na ipinahihiwatig, ngunit hindi tahasang sinasabi.   Ang isang patalinghaga ay hind  lamang sa mangisangisang saknong ng isang tula maaaring masumpungan.
Hal.   “Nag-aalma ang lunggati, sa budhi ay sumisikad,
                   Kalayaan,   kalayaan ang tuwina’y hinahangad.
                   Dumadambana, dumadambana kapag renda’y hinahaltak –
                   O, kay hirap na supilin! May latigo ka mang hawak.”
                                                         
Sa tulang EROTIQUE
                                                          Ni Federico L. Espino Jr.

19.  Pahiraya   (Prosopopeia) - Ang pagpapahayag ay paglalarawan ng isang hinihiraya o libang-tao sa anyong nagsasalita o gumaganap.

Hal.   “Mga matang tala ay hayo’t ipikit,
          nang iyong mamasdan ang tagpong marikit…
                   hayan, magkaakbay
                   ako’t saka ikaw;
                      at nagtatampisaw
                   sa tubig na kristal…
          puso mo’y puso ko’y iisa ang pintig;
          ikaw’y aking lubos, ako’y iyong tikis!”
                                                                   sa tulang ANG BUKAS AY ATIN
                                                                   ni Florante

20.  Asonansya (Assonance) - Ito’y gumagamit ng magkatulad na titik o pantig sa simula ng dalawa o higit na mga salitang magkakalapit sa isa’t isa.
Hal.   a.   Aandap-andap na ilawang nasa bintana.

21.  Aliterasyon  (Alliteration) Pag-uulit ng tunog ng isang katinig na ginagamit sa magkakalapit na salita o pantig

21.   Paghihimig   (Onomatopoeia) - Ito’y ang paggamit ng mga salitang ang tunog ay nagmumungkahi ng diwang para sa ipagkakaroon ng bisang pasayusay.
 


Hal.   a.   Anong sarap pakinggan ang langitngit ng kawayan, ang lagaslas ng tubig
              
           
   sa  ilog habang kumikiskis ang mga dahon sa pampang na iniihip ng hangin.

          Dalawang Uri
          1. Tuwirang onomatopeya
          2. Pahiwatig na onomatopeya

22.  Parabula   (Parable) - Isang maikling salaysay ng isang pangyayaring maaaring maganap sa buhay o katalagahan, na kakukunan ng isang aral na pangkaasalan o pangkaluluwa.   Karaniwan ito’y buhat sa banal na kasulatan iniuulat upang mailahad ang isang katotohanan.

23.  Pabula   (Fable) - Isang maigsing kasaysayan ang inilalarawang mga kilos o mga kangian ng mga hayop o mga bagay na walang kaluluwa ay pinapangyayaring mapakilos, kalimita’y pauroy,  ng mga kaasalan o kahinaan ng tao.   Ito ay sinasabing likha ni Esopo, at hanggang ngayon, ang pinakamabuting pabula sa daigdig ay ang pabula pa rin niya.

24.  Pangitain (Vision) Ito ay mga larawan, imahen o palatandaang nakikita sa isip.

25.  Pag-uulit sa isang salita upangmagkabisa gaya ng alingawngaw
           Hal.   Matay ko man yatang pigili’t pigilin
                   Pigilin ang sintang sa puso,tumiim,
                   Tumiim na sinta’y kung aking pawiin
                   Pawiin ko’y tantaong kamatayan na rin.
                                                                             - Jose de la Cruz

Mga Teoryang Pampanitikan
  1. Imahismo – Ang isang manunulat ay malayang pumili ng anumang imaheng nais gamitin sa paksa.  Nagiging mag epektibo ang kakintalan sa paggamit nito sapagkat higit na nabibigyang-buhay ang mga kaisipang nais ipahiwatig ng sumulat.  Kinakailangan lamang ang maingat na pagpili sa imaheng gagamitin sapagkat ito ay dapat na akma sa paksang tinatalakay upang hindi mabigyan ng ibang konotasyon ng mga mambabasa.
  2. Klasisismo – Ang akdang ito ay nagtataglay ng katangiang malinaw, marangal, payak,matimpi, obhetibo, magkakasunud-sunod, at may hangganan.   Dito nangingibabaw ang isipan laban sa damdamin.
  3. Realismo – Ipinapalitaw ang katotohanan sa buhay ng tao.
  4. Romantisismo – Nangingibabaw ang katotohanan, kabutihan, at kagandahan ng pag-ibigi ipinalilitaw ang damdamin ng tauhan kaysa kaisipan.
  5. Humanismo – Nagbibigay ng pangunahing halaga sa tao.  Binibigyang-diin nito na ang tao ang sentro ng daigdig, ang sukatan ng bagay, at panginoon ng kanyang sarili.
  6. Moralistiko – Pinatutunayan ng maraming mga kritiko na ang bawat pananaw ay ginagamitan sa pagsusuri sa alin mang akda ay may kakambal na pilosopiya sa buhay.  Ito ay matatagpuan sa pagpapahayag na ginagamitan ng kaisipang moral.  Sapagkat ang isang akda ay katatagpuan ng kasiningan at pagkamalikhain, naniniwala ang ilang kritiko na hindi sapat na patunayan kung bakit at kung paano naging masining ang akda.  Higit na kailangang ipakita ang mga pamantayang moral.      Sa panahon ni Plato, ginagamit ang uri ng moralidad sa pagbibigay ng kabuluhan sa nobela, dula, maikling kwento o anumang akdang pampanitikan.  Isinasaalang-alang sa mga akda ang pagsang-ayon o di-pagsang-ayon sa namamayaning moralidad sa lupunan.
  7. Formalismo – pinakapalasak na paraan sa pagsusuri ng anumang akda.  Sa pananaw na ito ,hindi ganap ang akda matapos na makawala ito sa kamalayan ng may-akda, dahil magkakaroon lamang ito ng pagpapakahulugan batay na rin sa kaalaman, paniniwala, sitwasyon, o damdamin ng bumabasa.  Sa ganitong oryentasyon, ang pinahahalagahan ay mismo ang akda at hidi ang may-akda at hindi rin ang lipunan at realidad.
  8. Sikolohikal – Ang pokus ng pananaw ay ang pagtugon sa karakter ng isang istorya o ng persona ng tula.
  9. Sosyolohikal – May malaking pananagutan ang panitikan sa lipunan ng alinmang bansa.  Si Scott (1974), ang nagsabing ang pag-uugnayang panlipunan ay nakapagdaragdag ng lakas sa manunulat upang ito ay gawing kasangkapan sa pag-aaral ng panitikan, sapagkat ayon sa kanya, ang mga ugnayang panlipunan sa panitikan ay masusuri bilang salamin ng lipunan.
  10. Eksistensyalismo – isang pilosopiya na nagbibigay-diin sa kalayaan ng bawat isang indibidwal – kalayaan niyang pumili at magdesisyon na di nasasaklawan ng sinuman.
  11. Marxismo – ito ay nakaugat sa historical at sosyolohikal na pananaw, nagsama-sama ang mga konseptong halaw kina Karl Marx, Friedrich Engels, Lenin upang gamitin ang panitikan bilang instrumento sa pagbabago ng lipunan sa paraang radikal.  Saklaw nito ang pagsusuri sa kultura, pulitika, ekonomiya, at pilosopiya.
  12. Arketipal – Nangangailangan ng masusing pag-aaral sa kabuuan ng akda sapagkat ang binibigyang-diin dito ay ang mga simbolismong ginamit upang maipabatid ang pinakamensahe ng akda.
  13. Feminismo – Naglalayong mawala ang de kahong imaheng ibinibigay sa babae.  Ito ay makatotohanang naglalarawan ng mga karanasan ng kababaihan sa matapat na paraan.  Gumagamit ito ng Malaya at karaniwang pananalita at mga tauhan ay mga babae.
  14. Dekonstruksyon – Ito ang pag-iisa-isa ng mga sinasabi ng may-akda sa teksto.  Pagpapakahulugan ito sa mga sinasabi ng teksto batay sa sariling pang-unawa sa lutang na mga kaalaman tungkol sa relasyon ng tao sa kanyang lipunan, kasaysayan ng tao, at lipunan ng tao.